Thursday, May 9, 2013
Sa Araw ng Mga Dakilang Ina
Ina, Nanay, Mommy, Mama, Madir o Mudra? Sa paanong paraan mo man tawagin ang iyong ina, iisa parin ang kahulugan nito. Ang tao na walang takot nagbuwis ng buhay maisilang kalang sa mundong ito. Sabi nga ng Mama ko nung dalaga pa ko, kapag ang babae ay nanganganak, ang isang paa daw natin ay nasa hukay. Nakakatakot naman po! Nakakatakot naman talaga kaya nga dalawa lang kinaya ko eh. At ang takot na to ay magiging parte na ng buhay natin bilang ina. Takot na hindi mapalaki ang mya anak ng maayos. Takot na di natin sila mapakain ng tama. Takot na baka magkasakit tayo, hindi natin sila maaalagaan ng maayos at hindi tayo makakapasok sa trabaho at wala tayong kikitain para ipambili ng pagkain nila, ng damit, pambayad sa matrikula, pambaon sa eskwela, pambili ng pangangailangan nila. Takot na baka di sila mag-aral ng mabuti. Takot na baka makapag asawa sila ng wala sa tamang panahon. Takot na baka may manakit sa kanila. Takot na magkasakit sila. At napakarami pang takot na hinaharap at haharapin natin. Ang hirap ano po? Nabubuhay ka araw araw, bilang isang ina. Isang ina na ayaw magutom ang pamilya kaya ka nagtatrabaho, kaya ka nagluluto ng makakain sa araw araw. Isang ina na ayaw malait ang mga anak kaya panay ang laba ng damit tapos plancha para paglabas nila maayos sila tingnan. Isang Ina na ayaw magkakasakit ang pamilya kaya araw araw kung maglinis ng bahay, kuskos dito, kuskos doon hanggang sa gumaspang ang mga kamay hanggang sa makalimutan na ang sarili rin ay dapat alagaan. Sa araw-araw yan ang paulit- ulit mong ginagawa. Nakakasawa ba? Minsan pa gusto mo na mapagod di ba? Gusto mo ng sumuko? Nagagalit ka kapag di ka makatapos ng gawain sa bahay kase ang kukulit ng mga anak mo. Pero ano mang galit ang dumapo sayo, sapian ka man ng masamang elemento sa init ng ulo mo sa kunsumisyon, lalapitan mo pa rin ang anak mo na napalo at nasigawan mo. Ikaw pa magsosorry dahil sa totoo lang ikaw ang totoong nasaktan sa ginawa mo at hindi sila. Ikaw ang nasaktan kase mahal mo sila. Takot ka nga masaktan sila di ba? Kaya ang pagiging ina, kung di mo sasamahan ng panalangin sa Dyos na bigyan ka pa ng lakas at mahabang pasensya, kung walang katatagan ng loob, kung walang pagmamahal, ay isang malaking napakabigat na katungkulan . Pero sa tulad nating mga dakilang Ina, pagmamahal ang syang nagpapagaan ng lahat. Kaya para sa katulad kong Ina, na walang sawa mag mahal at mag aruga sa pamilya, saludo po ako sa inyo. Happy Mother's Day, beautiful mommas!!!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment